Sa Katahimikan

Sa Katahimikan

Sabi nila, nalalaman lang ang tunay na halaga ng isang bagay kapag ito ay nawala. Kaya naman, sa katahimikan, hinanap ko ang sagot sa aking mga katanungan.

Napansin niya kaya na ang tinig ko’y nawala? Naramdaman niya kaya ang lamig galing sa espasyong iniwan ko ng walang paalam? Naisip niya kaya na hindi na ako nagsasalita? Na yung mga nais kong sabihin ay hindi na nakakaabot sa kanya? O kahit yung simpleng kamustahan na lang. Alam niya kaya na sa hangin na lang ako nakikiusap at hindi na sa kanya?

Pero napagtanto ko na ang hinahanap lang ay yung nawawala. Hindi kagaya ko na nanatili lang sa isang lugar na malayo sa kanya. Hindi ko man lang sinubukan abutin ang kinalalagyan niya. Dahil kahit kailan ay hindi mapapaikli ng aking pagsamo ang distansya ko mula sa puso niya.

Pagod na rin siguro ang mga salita kakapaliwanag sa kung bakit pinawi ng nakakabinging katahimikan ang aking mga sana. Wala na yata sa kanila ang makakarating sa pang-unawa niya. Siguro nga’y hindi ako, kung hindi siya ang tunay na nawala. Dahil sa katahimikan, nahanap ko ang aking halaga sa kanya.

At ito ay wala.

Tala

Tala

Tala, Tala, wag ka munang bababa
Wag ka munang umalis sa iyong kinalalagyan
Dahil sa gitna ng madilim na kalangitan ay nagniningning ka
Nagsisilbing gabay sa pupuntahan kong walang kasiguruhan

Salamat sa iyong pagkinang na umaabot sa aking mundo
Na minsan nang nagulo ng mga nasirang pangako
Ang pag-asa sa sarili ay unti-unting gumuguho
Ngunit walang sawa kang naniniwala na makakabangon ako

Sa gitna ng bagyo ay nanatili ka dyan sa itaas
At iyon ay sapat nang pagmulan ng aking lakas
Ang iyong buhay ay nagsasabing “Magpatuloy ka.
Magpatuloy ka kahit ang sakit-sakit pa.”

At kung dumating man ang panahong kailangan mong bumagsak sa lupa
Upang makita ang mga bagay na hindi aabot sa hangganan
Kukunin ko ang pagkakataon upang humiling ng isa
Hindi sana malimutan na sa buhay ko, ika’y minsang naging aking tala

 

 

PS: Pasensya na ha natagalan bago ko nasundan yung huli kong tula. Marami naman akong nagawa pero bawal pa ipost sa labas. At yung pwede naman eh wala. Wala na ko nagawa. Umabot ako sa puntong napalayo ako sa pangarap ko. Hindi dahil maraming hadlang. Syempre merong mga hadlang gaya ng pagdududa sa sarili at kawalan ng tiwala sa mga salitang nahahabi sa gitna ng mga lakad pauwi. Naisip ko lang na ang dami ko pang dapat matutunan. Pero habang nag-aaral sana hindi ako sumuko sa paggawa. Minsan kasi doon lang mas umaayos yung gawa. Kapag lagi mong ginagawa, nakakasanayan mo. Tapos, nahuhulma mo hanggang sa pumasa sa panlasa mo.

Itong tula na ito ay para sa balang-araw na pagharap ko sa maraming tao upang banggitin ang pyesang matagal nang nakahimlay sa aking puso.

 

Isang Araw Matapos Ang Lahat

Isang Araw Matapos Ang Lahat

Sa unang pagkakataon, nagising ako sa init ng sinag ng araw na hindi na ako nasasaktan
Gaya ng paggising ko sa katotohanang wala ka na dahil ika’y kailangan pakawalan
At gaya ng mga sumunod pang umaga, napansin ko ang paggaan ng kalooban
Para bang nagsimula na ang aking pahinga sa pakikipaglaban

Kanina nakita kong nagkalat ang mga papel sa hagdanan
Pinulot ko ang mga ito at binasa isa-isa ang mga kwentong hindi ko na nadugtungan
At kasama ng kwento nating sinimulan ngunit agad nating binigyan ng katapusan
Lahat sila’y itinapon ko na sa basurahan

Hindi ko na nararamdaman ang pait sa tuwing naalala ang pinagdaanan
At hindi na rin ako masyadong kinikilig o nasisiyahan
Dumating na siguro ako sa pagitan ng ika’y minamahal at ika’y kinamumuhian
Ang araw na masasabi kong “Wala na akong pakialam.”

Sa dami ng araw na bagong pagkakataon para muling magsimula
Nagsawa na ako kakasabing wala na akong gusto pang puntahan
Kaya isang araw, pinili kong muling umaasa kahit alam kong ako’y muling masasaktan
Dahil siguro nga’y may mga araw na nakalaan para sa kasiyahan pati na rin sa kalungkutan

Sa pagsubok ko lang din natutunan na hindi lahat ng laban ay sinusubukan
At sa bawat pagkadapa ay kailangan bumangon kahit ika’y sugatan
Sa unang pagkakataon matapos ang mahabang panahon ay nagkaroon din ng kapayapaan
Nagpatawad, nagpalaya, sumabay sa ikot ng mundo, at bagong kabanata’y aking sinimulan

Ikaw at Ang Mga Bulalakaw

Ikaw at Ang Mga Bulalakaw

Naalala ko noong sabay natin pinanood ang paglubog ng araw tsaka inabangan ang pagbagsak ng mga bulalakaw
Dali-dali akong kumuha ng isa at nagbakasakaling
Mapunan nito ang sakit ng aking damdamin
Taimtim kong sinambit ang aking dalangin, at sa sulok ng aking mga mata’y nahuli kitang nakatingin

Ang sabi mo sa akin, sabay nating tuparin ang aking hiling
Dahil alam mo kung paano masaktan at maiwan ng nakabitin
Naiintindihan mo kung gaano kasakit at sana’y sa oras na ito ay malagpasan ko rin
Mga pagsubok na haharapin, sasama ka at hindi aalis sa aking tabi

Marahil, marahil, ikaw rin ang sagot sa aking dalangin
At sa iyong mga mata ay hinanap ko ang tunay mong ibig sabihin
Makita ko sana ang katotohang pinipilit kong sayo ay alamin
Ito na sana ang pagkakataong ang tadhana’y makikinig sa akin

Sa oras na iyon ay nakalimutan ko na ang mga bulalakaw
Dahil sa unang pagkakatao’y natalo ang mga ito ng liwanag ng aking panglaw
Ang pinakatatago kong sana nga’y hindi na umalingasaw
Ngunit nahuli mo ko, na sa lahat ng hindi nakakakita, may isang ikaw

Kaya’t hinawakan ko ang iyong kamay at nangakong hindi bibitaw
Inihanda ko ang sariling harapin ang lahat ng pagsubok sa darating pang mga araw
Ngunit ng sila’y dumating, nakita ko ang aking sariling sugatan habang nakikibaka
Hindi ko inaasahan na sa gitna pa ng laban naisipan mo akong iwan

Hinarap ko lahat ng tama ng mga pana dahil iniwan mo na ko mag-isa
Na kung mas pipiliin mo ang takot, sana sinabihan mo ako nung una pa lang
Na kung hindi ikaw, sana hindi mo rin pinagkait ang paghilom na aking hanap
Dahil sa paulit-ulit na laban natututo din akong mapagod, sumuko, maging bato sa lahat

At sa pagtanto’y natuto din akong bumitaw at ika’y tuluyang palayain
Ngunit sa paulit-ulit na paglayo’y paulit-ulit mo rin akong hinahatak pabalik
Upang saktan at muli’t muling paasahin na para bang wala akong damdamin
Pero hindi na ko magbabago ng isip sa pagkalas dahil tama na sa akin na minsang naniwala ako sa isang pag-amin

Ako’y bumalik muli sa ilalim ng mga bulalakaw para sa isa pang hiling
Napuno ang bawat araw ko ng mga taimtim na dalangin na sana’y lahat ng ito ay isa lamang masamang panaginip
Isa-isa kong inipon ang mga bulalakaw at itinago ito sa puso’t isip
Na kung sila’y may tinig, sana ay hindi ka pa nabibingi

Naalala ko noong sabay nating pinanood ang paglubog ng araw
Kasabay ng paglubog ng mga pinanghawakan nating hiling sa bulalakaw
Isa-isa kong binitawan ang lahat ng pangakong nagsasambit ng salitang ikaw
At sa unang pagkakatao’y hindi ko na naramdaman ang matinding panglaw

PS: Ito na yata ang pinakamahabang tulang nagawa ko sa ngayon. Nagawa ko ito noong isang hapon ng Sabado, ika-29 ng Abril, taong 2017 (naks!). Habang hinihintay ko ang pinakaaabangang kauna-unahang spoken word gig ng taon (Sa Tagpuan ng mga Tala ni Brian Vee), nagbasa muna ako ng spoken word piece na Marka ni Zuela Herrera (Tuwing Ikatlo ng Sabado ni Juan Miguel Severo). So ayun, inspiration + hugot overload. Nagsimula yan sa 253 words pero after nung gig, naisipan kong i-stretch ang sarili ko hanggang sa maging 441 words na kung babasahin sa open mic (na isa sa mga pangarap ko), eh aabot ng 4 minutes. Noong mga oras na yun feeling ko malapit na ko sa pagiging legit na makata. Pero feeling ko ang dami ko pang kailangan matutunan sa larangan ng tugmaan. Hindi ko naman planong pantayan si Balagtas. Siguro, gusto ko lang din maging kaibig-ibig ang paglalathala ng aking feelings (para mapakinggan na niya ako… cheret!)
Para sa mga susunod pang spoken word gig at sessions or tutorials na hindi ko na iindyanin. At para sa mga pangarap na nais ko pang tuparin. Isang malaking lablab <3<3<3
Sa Kawalan

Sa Kawalan

Ako’y nasa kawalan
Sa pagitan ng mahal kita at kailangan kitang layuan
Sa pagitan ng dito ka na lang at kailangan mo nang lumisan
Sa pagitan ng pangarap kita at hindi lahat ng pangarap kailangan matupad

Ako’y nasa kawalan
Nahahati sa ikaw at akong minamahal ka
Sa aking kagustuhan at sa iyong kaligayahan
Sa aking kasakiman at sa iyong kalayaan

Ako’y nasa kawalan
Sinusukat ko na ang bawat distansya
Tinatantsa kung alin ang tama lang at ang sobra na
Kung pano ba mapipigilan ang patuloy na pag-agos
Ng pagmamahal na sa iyo ko lang gustong ibuhos

Ako’y nasa kawalan
Ng iyong mga tingin at tawang nakahahalina
Na para bang tumatagos sa aking buong pagkatao
At hindi sinasadyang mapatigil ang oras sa aking mundo

Ako’y nasa kawalan
Ngunit gusto ko na rin bumalik sa katotohanan
Kung saan walang tayo, kundi ikaw lang at ako
Ako na umaasa, bakasakaling may magbago

At lahat din hahantong sa kailangang pumili na
Dahil kahit kailan hindi tayo magtutugma
Pakiusap ibalik mo na ako sa kapatagan
Kung saan sumisikat ang araw, kasing liwanag ng ating hangganan

At pag natapos ang lahat at muli kitang makita
Sana, ang maiwan lang sayo ay kapayapaan
Na ayos lang sa akin kung hindi ako ang dahilan
Ang mahalaga ay masaya ka na kahit ako’y nasasaktan pa

Sa Gitna ng Ulan

Sa Gitna ng Ulan

Bakit kaya hindi ko naisipan
Magpayong sa gitna ng ulan
Ang payong sa loob ng bag na nakasukbit
Hindi ko man lang nailabas kahit saglit

Siguro hindi ko lang namalayan
Na pwede palang magkasakit sa ulan
Konting basa lang naman sabi ko
Konting sakit lang naman siguro to

Bakit kaya hindi ko naisipan
Kumain ng marami sa almusal
Nakalatag naman lahat sa mesa
At meron pang bakanteng upuan

Siguro hindi ko na rin naramdaman
Gutom pala ako kanina pa
Isang almusal lang naman sabi ko
May susunod pa namang pagkakataon

Bakit kaya hindi ko na nagawa
Sagutin ang tanong niya sakin kanina
Kung ano ba talaga ang nararamdaman ko
Simpleng sagot lang naman pero tumahimik ako

Siguro hindi ko na rin kinaya
Aminin sa kanya ang lahat-lahat
Hindi rin naman niya maiintindihan
Hindi na rin niya kailangan pag-isipan

Natapos ang araw at napaisip ako
Bakit ko ba to ginagawa sa sarili ko
Lahat na yata tinago ko
Kasi lagi na lang akong talo

Siguro hindi ko na rin pinaglaanan
Ng panahong panghawakan
Pangako Niyang walang hanggan
Dumating ang bukas, nakita ko ang wakas

Paalam Muna, Mahal

Paalam Muna, Mahal

Hindi ko makakalimutan ang unang pagkakataong nakilala kita
Napaso sa pagkadampi ng aking mga labi
Ang sabi sarili, ayoko sayo dahil ika’y bago
Iba ka sa nakagisnan, ibang iba sa nakasanayan

Hindi ko maintindihan kung bakit ka nila minamahal
Na para bang ikaw ang pinagmulan ng buhay
Ngunit sa tamang timpla muli kong sinubukan
Tsaka ko lang napatunayan na sila’y tama

Ikaw ang isa sa unang pumapasok sa isip
Sa tuwing ang liwanag sa mata ko’y sumisilip
Ang makasama ka ang isa sa pinakamasayang bahagi ng umaga
Sa init man o sa lamig, gusto kitang kinikilala

Ngunit paaalam muna sa ngayon, mahal
Paalam dahil hindi ko pa yata kayang tanggapin ang iyong kabuuan
Dahil ang timpla ko, para sayo, ay hindi pa rin naitatama
Ang pag-ibig na dati kong pinahintulutan, ngayo’y kailangan ko muna pakawalan

Paalam muna dahil sa hindi ko pag-iingat
Sa masakit na paraan kinailangan kong matutunan
Na kahit kailan hindi makakabuti sa akin ang sobra
At hindi lahat ng oo mula sayo ay kailangan kong matanggap

Paalam muna sa mga oras na ginising mo ang aking diwa
Sa mga panahong inilayo mo ko sa antok at minsa’y pagkabagot
Sa mundo kong paulit-ulit tumatanggap ng lungkot
At humahanap na lang ng kasiyahan sa pagtulog

Pero sa oras na muli tayong magkatagpo, sisiguraduhin kong sasalubungin kita ng ngiti
At walang takot kong haharapin ang muling pagbilis ng tibok ng puso
Dahil minsan ika’y naging masayang bahagi ng aking buhay
Isang alaalang hindi ko ipagkakait mahagip ng aking isip