Espasyo

Espasyo

Sabi nila, sa pagmamahal dapat handa kang masaktan
Pero nung namatay ako, wala man lang nagsabing “Tama lang yan.”
Nalunod sa pag-asang pinunan ng mga maling akala
Unti-unting naglaho sa espasyong nilikha ng aking kalokohan

Sa espasyong inilaan ko para sa’yo
Doon ko hinanap ang sarili ko
Isang hakbang papalayo sa bawat tanong na hindi nasagot
Isang hakbang papalayo sa bawat hiling na sana’y hindi totoo

Unti-unting nawala ang liwanag sa iyong kinatatayuan
At ang natira na lamang ay anino ng iyong nakaraan
Hinawakan mo ang aking kamay at sinabing ‘wag akong lalayo
Para lang bitawan ulit ito at tuluyan kang maglaho

Kaya naman sinubukan kong tanggalin sa pagkakahabi
Ang bawat piraso mo sa balat kong unti-unting napupunit
Dahil noong sinabi mong ika’y mawawala
Inihanda ko na ang sarili ko para maniwala

Sa espasyong inilaan ko para sa’yo
Doon ko hinanap ang sarili ko
Ang nawalang bahagi ng aking pagkatao
Na isa-isang pinalitan ng mga kahilingan mo

Isa-isa kong binalikan ang mga lugar kung saan pinili kita
Para sa pagkakataong ito’y pipiliin ko naman kung alin ang tama
Tinakbo ang distansyang nilikha ng ating mga bakit
Pabalik sa umpisa kung kailan malinaw pa sa atin ang mga guhit

Naroon ka, nandito ako, at sa atin ay namamagitan
Espasyong pinunan ng isang malaking hindi
Hindi kita mahal. Hindi kita minahal. Hindi kita kayang mahalin.
Hindi ko ‘to nakita, dahil unti-unting nabubura ang katotohanan.

Nabulag sa umaapaw na emosyong tinawag kong pagmamahal
Na unti-unting naubos, naupos,
Parang sigarilyong kailangan mo lang ng panandalian
Sa bawat buga’y sumisigaw ng “Tama na. Tama na, kasi ako’y pawala na.”

Ngunit wala kang narinig. Dumidilim na ang langit.
Nagiba ang bawat daang papunta sa akin
Hanggang sa wala na akong mabalikan
Wala na ang nakaraan. Wala na tayong dudugutungan.

Marahil sa lahat ng nangyari, may isang pagkakamali akong nagawa
Nakalimutan ko na sa pagmamahal, importante rin na may pinahahalagahan
At sa lahat ng papahalagahan, sarili pa yung aking nakalimutan
Ang pinakamalaking espasyong hindi ko napunan

PS: Ang hirap i-post nito. Ang lungkot kasi. Pero narealize ko na maganda naman siya, kung pano nabuo at nagdugtong yung mga salita at yung mga kahulugan nila. Siguro ganun talaga sa buhay. May mga masasakit na pangyayaring nagiging maganda kapag natuto ka na. Gaya nga ng sabi ni Lord sa akin, “Mahal Kita. Hindi lang yung mga ginagawang mong inaalay mo sa Akin kundi pati yung mga sugat mo, yung ikaw na gusto mong itago, yung ikaw na sobrang nasasaktan. Mahal Ko lahat yan.”

Advertisements