Ayoko Sana Kaso

Ayoko Sana Kaso

Ayoko pa sana bumangon at gumising
Kaso ayaw na ng diwa ko bumalik sa paghimbing
Ayoko pa sana kumilos at umalis
Kaso sabi ng wallet ko, ayaw na niyang mabawasan ulit dahil sa lates

Ayoko na sanang pumunta sa mga party
Kaso sabi ng karanasan ko, gusto naman niyang magbaon ng bagong kwento
Ayoko na sanang ituloy ang mga plano,
Kaso sabi ng pangarap ko, nandito pa ako para abutin mo

Ayoko na sanang umasa muli
Kaso sabi ng buhay ko, marami pa kong kailangan tapusin
Ayoko na sanang magsimula muli
Kaso sabi ng tadhana ko, marami pa akong kailangan tahakin

Minsan nakakatawa kung paano ka sinasabay
Ng mundo sa pag-ikot nito
Na kahit gusto mo minsan huminto
Wala kang ibang magawa kundi lumakad ng pasulong

Pero sana dumating din ang araw
Na matuto din akong magpadala sa agos ng buhay
Na hindi na ko matatakot sa paparating na alon
Dahil kaya ko nang tumalon at maglibang sa paligid nito

Migraine

Migraine

Ang sabi mo magkaibigan tayo
Kaya ibinahagi ko sayo ang mga piraso ng buhay ko
Kaso nagulat ako nang sila’y ibinalik mo
Hindi pala tayo pareho ng pagkakaintindi dito

Ang sabi mo ok na tayo
Kaya sinubukan ko ulit mapalapit sayo
Kaso tinaasan mo pa yung pader sa paligid mo
Sana pala inabisuhan mo kong bawal na pala pumasok dito

Ang sabi mo malaya na tayo
Kaya hindi ko na masyadong pinag-isipan ang mga sasabihin sayo
Kaso biglang pinatigil mo ang pagsasalita ko
Ayaw mo pala malaman kung anong nararamdaman ko

Gusto ko sanang hanapin ang sarili ko
Dyan sa loob ng mundo mo
Kasama ng mga alaalang baka nakalimutan mo
Pero umabot na rin ako sa puntong gusto ko na huminto

Kung hindi na ko kasya sa puso’t isipan mo
Hindi ko na rin ipipilit ang sarili ko sayo
Kung hindi talaga nakatadhana, matatanggap ko
Kung hindi talaga ikaw, papalayain ko

 

PS (Konting Kwento): May kaibigan ako na nagpost sa facebook tungkol sa relationship. Sabi niya dun, kung hindi mo na alam kung saan lulugar sa buhay ng isang tao, alis ka na lang. Nagcomment ako tapos sabi niya sakin, gawan ko ng tula. Tapos eto na.

Reconciliation. Ang reconciliation parang sayaw ng Tango. Dapat dalawa kayong sasabay sa tugtog. Kahit na ikaw ang nagdadala, kung hindi naman siya sasama, hindi niyo matatapos yung kanta. Kahit gaano mo pa kagustong bumalik kayo sa dati, kung ayaw na niya, wala na tayong magagawa. Pero by the grace of God, at dahil si God ang god ng reconciliation, naniniwala ako na hindi posibleng maayos ulit ang relationship. Hindi nga lang siguro ngayon, pero darating naman siguro yun no?

65571338

Barya

Barya

Minsan, may isang tao akong minahal
Hindi ko na masabi kung nasaan siya
Kung nasa ngayon o nakaraan
Basta ang alam ko, minahal ko siya ng sobra-sobra

Sobra-sobra, gaya ng perang papel sa wallet ko
Isang daan, dalawang daan, limang daan, isang libo
Na para bang lahat ng papel ko gusto ko na ibigay sa kanya
Simple lang. Dahil ganun ko siya kamahal.

Kaso natakot ako na baka malula siya sa dami noon
Kasi ang gusto lang niyang matanggap ay yung tigbentsingko’t tigpipiso
Barya para pamasahe sa umaga, pang-abono sa cashier na walang panukli
Pambili ng kendi, ganoon lang. Wala nang iba.

Kasi marami na din siya noon, yung papel na pera.
At talagang hindi na niya kailangan ng iba pa.
Kaya naman gusto ko na rin magpabarya.
Bibigyan ko siya ng bentsingko pero yung natira ilalagay ko sa alkansya.

Iipunin ko na lang lahat para sa tunay na may kailangan
Iipunin ko para hindi maubos agad
Iipunin ko para sa sarili ko
Bayad sa lahat ng panahong mas pinili kong maging tanga kaysa maging matatag

Paano Makalimutan Ang Taong Di Ka Minahal

Paano Makalimutan Ang Taong Di Ka Minahal

Paano nga ba kalimutan ang taong kahit kailan ay di ka minahal?
Yung taong kahit minsan hindi ka pinahalagahan
Yung kahit mawala ka hindi ka niya hinahanap
Dahil para sa kanya madali ka lang palitan

Paano nga ba kalimutan ang taong kayang itapon lahat?
Bukod sayo, kaya niyang kalimutan lahat ng pinagdaanan
Malulungkot man o masasaya niyong alaala
Parang mga kabibeng mabilis nilamon ng alon ng dagat

Paano nga ba kalimutan ang taong dahilan pa rin ng iyong pagluha?
Na sa tuwing kumikirot ang puso, siya ang una mong maaalala
Bumitaw ka na pero ngalay ka pa rin sa pagkakahawak
Ng pag-ibig na kahit kailan ay di niya masusuklian

Sabi nila oras lang daw ang kailangan
Lilipas din yan, magtiwala ka lang
Pero habang masakit pa, pano ba maging masaya?
O kahit yung mapakita mo lang. Kahit hindi pa talaga.

Kahit ako handang mamatay para lang malaman
Kung pag-ibig man ma’y hangganan, sana ganoon din kapag nasasaktan
Kasi mahirap ding gumising sa katotohanan gaya ng paggising sa umaga
Sumisilip na ang liwanag dahil tapos na ang mahimbing na pangangarap

PS (Konting Kwento): Hindi ko na sana ipopost to kaso nagtampo yata sakin yung kaibigan ko. So dito ko naisipang bumawi. Nagmmove-on pa siya sa ilang taon na unrequited love niya. Naikumpara ko yung pinagdadaanan niya sa pinagdaanan ko sa past relationship ko. Sabi ko, wala naman siyang masyadong bibitawan, panahon lang. Yung pagmamahal of the other side, di na niya problema yun kasi wala nga. Pero narealize ko na mali ako. Na kahit ano pang pinagdadaanan niya, walang malaki o maliit na sakit. Ang bottomline lang eh masakit siya. Masakit na para bang hindi na matatapos. Masakit na parang minsan mas mauuna ka pang mauubos kaysa sa stock niya. Walang “saglit lang” sa taong nasasaktan. Pero sana hindi natin makalimutan na lahat ng pasakit may katapusan. Hindi nga lang siguro ngayon. Pero darating din yon.

Bati na tayo friend. 🙂

Noong Nawala Ako Sa Piling Niya

Noong Nawala Ako Sa Piling Niya

Noong nawala ako sa piling Niya
Wala na sa akin kung alin ang mali at tama
Ang meron lang ay malungkot o masaya
At ang laging ilaw sa stoplight ko ay luntian

Noong nawala ako sa piling Niya
Pinilit kong kayanin lahat ng mag-isa
Sabi nga nila, kung walang tyaga, walang nilaga
Kaya binuhat ko ang mundo sa limitado kong kakayahan

Noong nawala ako sa piling Niya
Natuto akong mabuhay sa loob ng isang araw
Wala na kasing direksyon ang aking bukas
Hindi nga ako ligaw pero hindi rin ako gumagalaw

Noong nawala ako sa piling Niya
Sa mundo na lang ako nagpakasaya
Hindi ko inaasahan na sa dulo ako masasaktan
Sugatan at ubos na ako ng maisipan kong bumalik sa Kanya

Noong nawala ako sa piling Niya
Doon bumuhos sa akin ang pagsisisi at kahihiyan
Na kung hinintay ko na lang sana ang desisyon Niya
Hindi na sana ako nagkaroon ng pagdurusa

Noong nawala ako sa piling Niya
Hinayaan Niya akong magliwaliw mag-isa
Pero kahit kailan hindi ako naalis sa paningin Niya
At nang bumalik ako, naroon Siya, handang sumalubong ng yakap sa paparating Niyang anak

Sabi niya sa akin “Hinihintay Kita,
At ngayong bumalik ka, tayo’y magkakaroon ng magarbong magdiriwang
Dahil para sa Akin, ganito ka kahalaga
Anak pa rin Kita at mahal pa rin Kita.”

 

PS (Konting Kwento): Binasa ko to kanina sa mga ka-victory group ko. Sabi ng leader ko maganda daw, kaya naisipan kong ilagay dito. Sa loob ng maraming buwan, pinilit ko talagang kayanin lahat ng bagay mag-isa. Yung tipong pag nagkakamali ako sasaluhin ko lahat ng kabayaran nun, kasi nga mali ko. Pero kanina sa preaching, pinaalala lang sakin ni Lord kung pano umasa ulit sa kakayahan niya. Pinaramdam niya sakin na hindi ko naman kailangan buhatin lahat kasi nandun naman siya. Concern pala si Lord sa pinagdadaanan ko. Gusto niya pala akong iligtas ng paulit-ulit.

Happy World Poetry Day

Happy World Poetry Day

Ngayon ko lang nalaman
Na may araw palang nakatakda
Para sa mga tula
Tapos naalala kita

Naalala ko ang mga panahon
Na ang mga salita’y aking kinakahon
Magkatugma lang ang ngayon at kahapon
At mga alaala nating itinapon

Hindi naman ako makata
Pero sa tuwing naalala kita
Bigla na lang bumubuhos ang mga salita
Na nabubuhay sa lungkot at saya

At para sa araw ng mga tula
Nais kong ipabatid sa lahat
Ang aking pamamaalam
Sa tula na minsan ay ikaw ang simula

Dahil lahat ng bagay ay natatapos
At minsan ako rin ay kinakapos
Salamat na lang sa masayang pagpuspos
Sa mga araw kong malapit nang maubos

Tulay

Tulay

Lagi akong pumupunta sa isang tulay
Kung saan maraming puno’t mga halaman
Lahat ng pangitain ay maganda
Laging nakakagaan ng kalooban

Hanggang sa isang araw nakita kita
Naglalakad mula sa kabilang dulo ng tulay
Kung itutuloy ay magkikita tayo sa gitna
Kaso hindi ka tumuloy. Hindi na rin kita nakita

Bumalik ulit ako sa sinasabing tulay
Kung saan maraming puno’t mga halaman
At naroon ka ulit sa kabila
Lahat talaga ng pangitain ay maganda

Lumipas pa ang ilang araw at para bang nananadya ang tadhana
Hindi ko na tuloy alam kung mga halaman o ikaw na ang ipinupunta
Pero hindi na ko naghangad ng higit pa
Nasanay na kasi akong hanggang dito na lang at naroon ka pa

Ngunit nagbago rin lahat isang araw
Pumunta ulit ako ngunit wala ka na
Kasabay ng pamamaalam ng mga puno’t halaman
Natapos rin ang lahat sa isang tulay na kailanma’y hindi natin tinawiran.